Handa si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na maglabas ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at magpasailalim sa lifestyle check sa gitna ng mga panawagan para sa transparency sa gobyerno.
Tinugunan ito ng kalihim sa pamamagitan ng budget sponsor ng DOH na si Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia sa pagtatanong ni Akbayan Party List Rep. Chel Dioko sa budget deliberations ng House of Representatives.
Naglatag lamang ng ilang kondisyon ang kalihim gaya ng pagpapanatiling confidential sa kaniyang personal information.
Inirekomenda din ni Rep. Diokno ang pag-institutionalize sa lifestyle checks sa kagawaran alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kapareho ng ginagawa sa ibang mga departamento ng pamahalaan.
Tinugunan naman ito ng DOH budget sponsor na bukas ang mga opisyal at empleyado ng ahensiya na sumailalim sa lifestyle checks.
Sa katunayan, mayroon aniyang Integrity Management Committee ang Health department na nakikipag-ugnayan sa Office of the Ombudsman para magsagawa ng assessments sa integridad, transparency at accountability ng mga opisyal at empleyado. Saklaw ng komite ang pag-monitor sa anumang ill-gotten wealth o posibleng korapsiyon sa loob ng ahensiya.
Matatandaan noong Agosto, ipinag-utos ng Pangulo ang pagkakasa ng lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa gitna ng napaulat na anomaliya at iregularidad kaugnay sa flood control projects.
Ang lifestyle check ay isang proseso ng pag-beripika ng mga ari-arian, kita, at pamumuhay ng isang opisyal ng gobyerno upang matukoy kung ito ay naaayon sa kanilang deklarasyon ng mga ari-arian, pananagutan, at net worth.