Nilinaw ng Department of Health (DOH) na otorisado ang ginagawang monitoring ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga COVID-19 patients na piniling mag-home quarantine.
Paliwanag ito ng ahensya sa gitna ng mga kritisismo sa pahayag ni DILG Sec. Eduardo Ano na nagsabing magba-bahay bahay ang pulisya para hanapin ang mga asymptomatic at mild cases para ilipat sa quarantine facilities.
“Dati pa nating ipinapatupad ito. Ang DILG through their local governments, local officials, Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs), may authority sila na mag-monitor ng mga ganitong pangyayari sa kanilang lugar,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Binigyang diin ng opisyal na hindi naman ipinagbabawal ang home quarantine sa mild at asymptomatic cases basta’t masusunod ng mga ito ang kaukulang requirements.
“Mayroon tayong protocol na pwede ang home quarantine pero kailangan mame-meet mo yung conditions natin. Una may sarili kang kwarto, pangalawa mayroon kang sariling banyo, pangatlo mamo-monitor ka. And that is feasible with the local government officials, yung BHERTs.”
“Pang-apat kailangan walang buntis o kaya’t walang matanda doon sa bahay kapag ikaw ay papayagan mag-home quarantine.”
Ayon kay Vergeire, trabaho ng BHERTs na i-report sa local officials kung may mamo-monitor silang nag-home quarantine nang hindi nasusunod ang panuntunan.
Tsaka naman kikilos ang local officials para kausapin ang pamilya ng nag-home quarantine na pasyente para kumbinsihing ilipat ang kamag-anak sa quarantine facility.
“Nakikita natin ngayon ang community transmission and one of the contributing factors would be itong sinasabing baka sakali hindi tayo nakakapag-implement ng tamang health standards kapag ang isang indibidwal na positibo ay nasa bahay at doon siya nagka-quarantine.”
Kamakailan nang sabihin ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na hindi na inirerekomenda ng pamahalaan ang home quarantine sa mild at asymptomatic cases.
Sa huling datos ng DOH, nasa higit 12,000 COVID-19 cases ang naka-home quarantine.