-- Advertisements --

ILOILOCITY – Hinihintay na lang ng Department of Health Region 6 ang resulta ng pinaka huling kaso ng persons under investigation sa probinsya ng Iloilo, matapos na makitaan ng sintomas ng Coronavirus Disease 2019.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Mary Jane Juanico, pinuno ng Infectious Disease Section ng Department of Health 6 sinabi nito na mayroong travel history sa Hongkong ang nasabing pasyente kung saan una siyang na confine sa ospital noong Marso 5.

Ayon kay Juanico, mayroon ng 42 na persons under investigation sa Western Visayas mula noong Enero 1 kung saan 41 na ang na discharged at nagnegatibo ang resulta sa COVID-19.

Pina alalahanan naman ni Juanico ang mga mayroong travel history sa labas ng bansa na maging responsable kung saan kinakailangan nilang sumailalim sa home quarantine.

Sa oras na sumama ang pakiramdam, agad na magpakonsulta sa doktor.

Ani Juanico, agad na kinconfine sa ospital ang nakitaan ng sintomas ng COVID-19 para sa monitoring.

Samantala, pinakansela na rin ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr., ang graduation at recognition ng mga estudyante sa probinsya ng Iloilo upang maiwasan na madagdagan pa ang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.

Pinakansela na rin ng gobernador ang Western Visayas Regional Athletic Association Meet 2020 sa Aklan dahil sa nasabing health scare lalo na’t tumaas na ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19.

Napag-alaman na maliban sa mga school activities, ipinatigil na rin ni Gov Defensor ang pagsasagawa ng mga large-scale events.