Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa umaabot nang higit 30,000 ang kapasidad ng mga laboratoryo sa bansa para sa COVID-19 testing.
Pahayag ito ng Health department kasunod ng anunsyo ni Presidential spokesperson Harry Roque na pumalo na sa 32,000 ang testing capacity ng Pilipinas noong May 20.
“Naabot na po natin ang 30,000 PCR tests per day. Ang original target po ay 30,000 by May 30 pero nung Mayo 20 po, nakaabot na po tayo sa 32,100 tests per day. Nalampasan po natin ang ating target,” ani Roque sa Laging Handa briefing.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ang nabanggit na numero ng tagapagsalita ng pangulo ay estimated maximum capacity lang ng mga laboratoryo.
Ang numerong ito raw ay naka-base sa kung ilan ang machines, human resource, at kung hanggang kailan nag-ooperate ang bawat lab testing facility.
“The 32,000 is the estimated maximum capacity of all licensed labs in the country.This is just an estimate,based on the number of machines,number of HR and the operating hours per laboratory.”
Lumalabas kasi sa data ng DOH sa parehong petsa, na mula 31 licensed RT-PCR laboratories, at dalawang GenXpert labs, nasa higit 8,000 samples lang ang na-test.
Paliwanag ni Usec. Vergeire, hindi pa kasama sa 32,000 estimated testing capacity kada araw ang ilang factors na may epekto sa mga laboratoryo.
Tulad ng availability ng lab supplies sa merkado, mga issue sa health human resource, problema sa mga equipment at imprastuktura gaya ng nangyari sa Bicol testing laboratory na sinira ng nagdaang bagyo.
Naglabas na rin ng paglilinaw ni Sec. Roque sa naging pahayag at sinabi na ang numerong tinutukoy niya ang national testing capacity at hindi ang aktwal na bilang ng tests na ginagawa ng pamahalaan kada araw.
“This is to clarify that I was referring to our national testing capacity, which is now at 32,000/day, when I earlier mentioned that we have already conducted and surpassed the 30,000-target last May 20,” ayon sa opisyal.