Nilinaw ng Department of Health (DOH) na matagal nang may kakayahan bansa na makapag-proseso ng higit 30,000 COVID-19 tests kada araw, pero hindi lang ito maaabot ng lahat ng laboratoryo dahil sa ilang aberya.
Humarap sa online media briefing si Health Usec. Maria Rosario Vergeire nitong umaga at ipinaliwanag na nakakaranas ng “operational issues” ang mga laboratoryo. Malaki daw ang epekto nito sa mas marami sanang kayang gawin na tests sa mga pasilidad.
“Ang potensyal na kapasidad (30,000), na-reach na ‘yan ng DOH dati pa dahil doon sa pagli-lisensya natin ng expansion of these licensed laboratories; with these capacities ng mga laboratoryo na nilisensyahan natin, na-reach natin yan.”
“Pero ma-reach natin yung rated capacity, yun ang pinaguusapan. Kasi yung ating rated capacity, yan ay sans other obstacles or any operational issues.”
Kabilang sa operational issues o aberya sa operasyon ng mga laboratoryo na tinutukoy ng DOH ay ang mabagal na distribusyon ng supplies, hindi inaasahang pangyayari tulad ng nasirang negative pressure room ng testing lab ng Western Visayas Medical Center, sinalantang laboratoryo ng bagyong Ambo sa Bicol.
Unang sinabi ng gobyerno na sa pagtatapos ng Mayo ay inaasahang maaabot na ng bansa ang 30,000 o higit pang testing capacity kada araw ng mga sertipikadong laboratoryo.
Sa ngayon naglalaro daw sa 8,000 hanggang 9,000 testing kada araw ang naaabot ng 49 nang lisensyadong laboratoryo para sa COVID-19 testing.
Katunayan noong nakaraang buwan daw ay nakapagtala ng higit 11,000 tests sa loob ng isang araw ang mga laboratoryo, na pinakamataas sa ngayon na actual testing capacity na naabot ng COVID-19 testing.