Nakatutok ngayon ang Department of Energy (DOE) sa panunumbalik ng kuryente sa Caticlan at Boracay Island matapos maganap ang hindi inaasahang power outage noong Sabado, Setyembre 13.
Ang sanhi ng brownout ay ang pagkatrip ng Nabas-Unidos 69kV line na nagresulta sa pagkawala ng kuryente sa Boracay at mga kalapit na bayan.
Ayon sa mga awtoridad, natuklasan din ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na may arcing o pagsabog ng mga power cables sa paligid ng Caticlan Airport.
Kaugnay nito, napag-alaman din na pumasok ang moisture at may tagas sa underground cables, kaya’t na-isolate ang power supply sa Boracay, Malay, at Buruanga mula sa national grid pasado alas-2:30 ng hapon ng kaparehong araw.
Agad na nagpadala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at AKELCO ng walong (8) restoration teams para tugunan ang problema.
Inaasahang bago maghatingabi ngayong araw, Setyembre 14 ay maibabalik ang kuryente sa Boracay Island sa pamamagitan ng isang temporary 69kV bypass overhead line na itinayo sa paligid ng Caticlan Airport.
Nagbigay din ng suporta ang Philippine National Police (PNP) sa pag-iingat ng kaligtasan ng publiko habang isinasagawa ang restoration.
‘Our foremost priority is to restore reliable electricity supply without delay. We are closely monitoring the situation and working hand-in-hand with NGCP, AKELCO, CAAP, local governments, and partner agencies to normalize power supply in Boracay and neighboring towns,’ pahayag ni Energy Secretary Sharon Garin.