Inaaral na ng Department of National Defense (DND) ang mga kasunduang pinasok ng Pilipinas kasama ang ibang mga bansa na hindi kumikilala sa hurisdiksyon ng bansa West Philippine Sea at hindi sumusuporta sa foreign policy position ng bansa.
Ayon kay DND Sec. Gilbert Teodoro, sinisilip ng mga eksperto ang pakinabang ng bansa sa mga naturang kasunduan, lalo na sa defense sector at foreign affairs
Kasalukuyan na aniya ang proseso ng ginagawang pag-review at inaasahang maglalabas ang ahensiya ng karagdagang impormasyon ukol dito sa mga susunod na araw.
Giit ng defense secretary, mistulang walang benepisyo ang Pilipinas sa ibang defense agreement na pinasok nito sa mga nakalipas na taon.
Sa inisyal na pagsusuri ay maaring aabot aniya sa 50 defense agreement at memorandum of understanding ang nakikitang kailangang muling repasuhin dahil sa mistulang wala umanong benepisyo sa Pilipinas.
Gayonpaman, hindi na rin inisa-isa ng kalihim kung anong mga defense agreement ang mga ito, at kung anong mga bansa ang kasama ng Pilipinas na pumirma.
Ilan sa mga bansang may aktibong defense at military alliance ang Pilipinas ay ang Japan, New Zealand, US, Australia, atbpa.