-- Advertisements --

Lumipad si Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac patungong Djibouti para personal na asikasuhin ang repatriation ng labi ng nasawing Pinoy seafarer na kabilang sa lulan ng cargo vessel na MV Minervagracht na inatake at nasunog habang naglalayag sa may Gulf of Aden noong Setyembre 29.

Kasama ng kalihim na bumiyahe ang naulilang maybahay at kapatid ng nasawing tripulante.

Ayon sa kalihim, ang kanilang pagtungo sa naturang bansa ay upang sigurduhing maiuwi ng Pilipinas ang labi ng nasawing Pinoy nang may dignidad na kaniyang dapat na matanggap at ng kaniyang pamilya kabilang ang kaniyang mga kasamahang tripulante at matanggap ang kinakailangan nilang pangangalaga at suporta.

Nakatakdang bisitahin din ng kalihim ang isa pang Pilipinong nasugatan sa pag-atake na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Malapit na nakikipagtulungan na rin ang kalihim sa Department of Foreign Affairs sa pamamagitan ng Philippine Embassy gayundin sa shipowner para matiyak ang marangal at napapanahong repatriation ng labi pauwi ng Pilipinas.

Bago umalis naman ng bansa, nauna ng nangako si Sec. Cacdac ng pagbibigay ng pamahalaan ng tulong sa pamilya ng nasawi at nasugatang seafarers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong Okture 4, ligtas nang nakauwi ng Pilipinas ang 10 Pilipinong crew member ng MV Minervagracht at nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa DMW, OWWA, DSWD at TESDA.