-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas na nakarating sa may port city ng Jizan sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA) ang walong Pinoy seafarers na survivor mula sa pag-atake ng Houthi rebels sa MV Eternity C sa Red Sea.

Kabilang ang walo sa 21 Pilipinong tripulante na sakay ng naturang cargo ship nang mangyari ang pag-atake.

Sa isang statement, iniulat ng DFA na kasalukuyang nasa joint custody na ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Migrant Workers Office-Jeddah at kanilang shipping agency ang mga Pinoy seafarer.

Sasailalim naman ang mga ito sa mandatoryong medical assessment bago ang kanilang nakatakdang repatriation sa mga susunod na araw.

Nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat ang DFA sa KSA sa kanilang pagkonsidera sa visa ng 8 Pilipinong tripulante dahil sa humanitarian reason.

Matatandaan, inatake ng Houthi rebels ang Liberia-flagged bulk carrier na MV Eternity C na may lulan noon na 25 crew na Pilipino, Greek at Russian noong Hulyo a-7 sa Red Sea habang patungo sa Israel gamit ang drones at rocket-propelled grenades na nagresulta ng mga serye ng pagsabog sa barko na nagpalubog dito.

Kumitil ito ng apat na tripulante, 10 ang nailigtas, 5 iba pa ang napaulat na nawawala habang anim naman ang kinidnap umano ng Houthi rebels.