Rizal Park

Hinimok ni Supreme Court (CJ) Chief Justice Diosdado Peralta ang sambayanang Pilipino na pairalin ang diwa ng kabayanihan at malasakit sa kapwa ngayong may krisis sa buong mundo.

Sa kanyang mensahe sa ika-122 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, sinabi ni CJ Peralta na kasabay ng pagpupugay sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para makamit ng bansa ang kalayaan, dapat din aniyang bigyan ng pagpupugay ang mga bagong bayaning frontliners na matapang na humaharap at lumalaban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Iniulat din ni CJ Peralta ang patuloy na pagpapatupad ng hudikatura ng mga hakbangin para sa tuluy-tuloy na paglaya ng mga bilanggo.

Layon nito na mapaluwag ang mga piitan sa harap ng patuloy na banta ng covid.

Tiniyak din ng punong mahistrado na magpapatuloy ang videoconferencing, online filing ng mga kaso at ang pagpipiyansa sa pamamagitan ng online at ang patuloy na pagbubukas ng kanilang komunikasyon para maserbisyuhan ang publiko.

Nanawagan din si CJ Peralta ng pagkakaisa para maging matagumpay ang paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Hiniling din ng punong mahistrado sa sambayanan ang patuloy na pagdarasal para sa kaligtasan ng lahat at para sa paghilom ng Pilipinas at ng buong mundo.