Reading Time: 1 minute

CAGAYAN DE ORO CITY – Tama lamang umano ang gagawing pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa halos 70 mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BoC) na umano’y sangkot sa kurapsyon.

Ito ang paniniwala ni Mindanao Container Terminal collector John Simon kaugnay sa pagkadismaya ni Duterte dahil hindi tumalima ang ahensiya na ihinto na ang talamak na kurapsyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Simon na nararapat lamang na sundin ng mga empleyado ang kautusan ni Duterte na wakasan na ang kultura ng kurapsyon kung saan kabilang ang kanilang ahensiya na nasasangkot rito.

Dagdag ng opisyal na bilang itinuturing na ama si Duterte ng bansa, karapat-dapat na suportahan ang mga hakbang nito para sa ikabubuti ng sambayanan.

Aminado naman si Simon na hindi na maaalis ang impresyon ng publiko na talamak ang katiwalian sa kanilang sariling ahensiya.