Umapela si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa hudikatura na pabilisin ang pagresolba sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian at korapsyon, sabay hayag ng buong suporta sa mga mekanismong magpapabilis sa proseso ng pananagutan at pagpapatupad ng mga hatol.
Sa ginanap na plenary deliberations para sa panukalang 2026 budget ng hudikatura, kinumpronta ni Diokno si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, na siyang sponsor ng budget ng judiciary, hinggil sa mga hakbang upang tugunan ang matagal nang pagkaantala sa pagdinig at pagresolba ng mga kaso ng katiwalian.
Ang pahayag ni Diokno ay kasunod ng lumalalang galit ng publiko sa mga iregularidad sa mga infrastructure projects, partikular na sa mga flood control projects, na inuulan ng alegasyon ng overpricing, substandard na pagpapatupad, at “ghost projects.” Lumalakas ang panawagan para sa reporma, lalo na sa mga lugar na paulit-ulit na binabaha sa kabila ng paulit-ulit na paglalaan ng pondo para sa disaster mitigation.
Tugon naman Rep. Rufus Rodriguez na siyang sponsor sa budget ng Hudikatura, kaniyang sinabi na kasalukuyang bumabalangkas ang Sandiganbayan ng bagong patakaran upang paikliin ang panahon ng paglilitis sa mga kaso ng katiwalian sa loob lamang ng 120 araw.
Bukod dito, nanawagan si Diokno sa hudikatura na magtatag ng permanenteng database monitoring system na may koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang matiyak na ang mga opisyal na nahatulan na ng pinal na desisyon ay tunay na nagsisilbi ng kanilang sentensiya.
Ibinahagi naman ni Rodriguez na mayroong Justice Sector Convergence Program ang hudikatura, ngunit ito ay nabawasan ang pondo mula sa P475 milyon na orihinal na panukala, patungong P175 milyon sa 2026 budget.