-- Advertisements --

Umapela si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga mananampalatayang Katoliko na tuloy-tuloy na mag-alay ng panalangin para sa mga cardinal, kasabay ng kanilang pagpasok sa conclave o pagtitipon ng mga kardinal upang pumili ng bagong Santo Papa.

Paliwanag ni Bishop Santos, simula May 7, 2025, ang una at huling Misa sa bawat araw sa lahat ng parokya ay dapat i-alay para sa mga kardinal na lalahok sa conclave.

Ito ay upang magabayan ang bawat isa sa kanila at makapili pili ng bagong Santo Papa sa patnubay at gabay ng Banal na Espiritu.

Hinikayat din ni Bishop Santos ang mga mananampalataya na ipagkatiwala ang mahalagang desisyong ito sa pamamagitan ng pananalangin kay San Pedro, ang unang Santo Papa, upang ang hahaliling punong pastol ay manatiling matatag sa pananampalataya at sa pundasyon ng Simbahan.

Hinikayat din ng Antipolo Bishop ang mga parokyang nasasakupan nito na kung nakapili na ng bagong Santo Papa, dapat ay patunugin ang mga kampana sa bawat simbahan.

Ito ay bilang tanda aniya ng kagalakan at pasasalamat para sa tuluyang pagkakapili ng susunod na magiging lider ng pananampalatayang katolika, kapalit ng namayapang si Pope Francis.

Itinakda ng College of Cardinals ang pagsisimula ng conclave sa bukas, May 7.

Kabilang sa cardinal-electors mula sa Pilipinas sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Vatican Dicastery for Evangelization former Pro-Prefect, Luis Antonio Cardinal Tagle, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.

Maalala ring si Bishop Santos ang nanguna sa selebrasyon ng Holy Mass para sa ‘Collegio Day’ sa Pontificio Collegio Filippino sa Rome nitong araw ng Lingo, May-4.

Sa naturang misa ay dumalo ang tatlong Pilipinong kardinal. (report by Bombo Jai )