-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang marahas na kilos protesta sa Mendiola noong Setyembre 21 ay hindi lehitimong protesta kundi umano ay isang bayad at organisadong pag-atake upang guluhin ang gobyerno.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, mga menor de edad na kasingbata ng 11 taong gulang ang ni-recruit mula Quiapo at binayaran ng tig-P3,000 para makisali. May ebidensya rin na kumalat umano sa social media na ipinagyayabang ng ilan ang kanilang natanggap na pera.

Dagdag pa ni Remulla, ang utos sa grupo ay umabot sa Malacañang at, kung maaari, ay sunugin ito.

Kaugnay nito nasa 217 katao ang iniimbestigahan ngayon, kabilang ang 95 menor de edad, habang inaalam pa kung sino ang nasa likod ng pagpapondo para gumawa ng gulo.

Ayon pa sa DILG maaaring kaharapin ng mga sangkot ang mga kasong arson, destruction of property, inciting to sedition, at sedition.

Samantala ilang pulis ang nasaktan matapos silang buhusan ng maruming tubig at atakihin gamit ang paputok at tear gas.

Nagbabala din ang DILG na posibleng ulitin ng grupo ang ganitong taktika sa mga susunod na kilos-protesta upang makapanggulo. Tiniyak din ni Remulla na mananatili ang administrasyong Marcos sa prinsipyo ng due process at pagpapanatili ng kaayusan.