-- Advertisements --

Pinakikilos na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang pagpatay kay Los Baños Mayor Caesar Perez kagabi.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, inatasan na nito ang mga otoridad na hanapin ang mga suspek sa likod ng pagpatay sa alkalde.

Batay sa police report, nasa open lounge sa likod ng municipal hall sa Barangay Baybayin si Perez nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng hindi kilalang mga armadong suspek bandang 8:45 ng gabi.

Kaagad itong dinala sa HealthServ Medical Center kung saan ito binawian ng buhay dakong 10:00 ng gabi.

Nagsilbi na rin bilang vice governor si Perez sa Laguna.

Samantala, tiniyak naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana na kasalukuyang kumikilos ang mga imbestigador para kumuha ng ebidensya at alamin kung sino ang nasa likod ng insidente.

Bumuo na rin ng special investigation task group (SITG) ang PNP hinggil sa pagpatay kay Perez, na pinangungunahan ni Laguna Police deputy provincial director for operations Lt. Col. Jesson Bombasi.