Nagbabala ang DILG na maglalabas sila ng show cause order laban sa mga local government units na tatanggihan ang mga overseas Filipino workers na uuwi sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay DILG USec. Epimaco Densing, wala raw rason ang mga LGUs para hindi tanggapin ang mga uuwing Pinoy workers, na sumailalim na sa health protocols gaya ng COVID-19 testing at quarantine.
Ipapaubaya na rin daw ng kagawaran sa mga LGUs kung magpapatupad ang mga ito ng karagdagang health protocols kung sa tingin nila ay kailangan itong gawin.
Una rito, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensya ng pamahalaan na bilisan ang paglalabas ng COVID-19 test results ng mahigit sa 24,000 mga OFWs na na-stranded sa mga quarantine facilities.
“It is the constitutional right of people to travel and go home. Do not impede it. Do not obstruct the movement of people because you run the risk of getting sued criminally,” wika ng pangulo.
Kaugnay nito, umapela rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga LGUs na pauwiin agad ang mga dumadating na OFW sa kanilang bahay.
Inanunsyo rin ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na ipinagpatuloy na muli ng DOLE ang kanilang ‘OWWA Balik Pinas, Balik Hanapbuhay’ livelihood program.
Sa nasabing programa, pagkakalooban ang mga distressed at displaced OFWs ng P20,000 tulong pinansyal para magamit bilang puhunan sa kanilang pangkabuhayan.