Magsasampa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga reklamong administratibo at kriminal laban sa 45 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang ang dalawang dating fire directors, dahil sa umano’y anomalya sa pagbili ng mga fire truck mula 2018 hanggang 2024.
Sangkot umano ang mga ito sa bid-rigging at korupsyon na nagpataas ng presyo ng mga truck.
Minanipula umano nila ang technical specifications at bidding rules para paboran ang mga piling suppliers, na nagdulot ng overpriced na mga fire truck.
Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, ang 1,000-gallon fire truck na nagkakahalaga lamang ng ₱5.97 milyon noong 2014 ay umabot sa halos ₱15 milyon ang presyo noong 2024, na tinawag niyang korupsyon at hindi dahil sa inflation.
Bunsod nito, nahaharap ang 45 BFP personnel, kabilang ang mga dating matataas na opisyal, sa mga reklamo dahil sa kanilang umano’y sabwatan.
Ang paghahain ng mga reklamo sa naturang mga opisyal ng BFP ay bahagi ng pinaigting na internal cleansing ng DILG sa BFP upang sugpuin ang korupsyon sa ahensya.
















