Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapakalat ng mga barangay tanod kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa loob ng mga eskwelahan.
Ayon sa DILG, naatasan ang mga barangay tanod na imonitor at iulat ang mga insidente na maaaring banta sa kaligtasan ng mga estudyante, mga guro at mga empleyado ng mga paaralan.
Magsasagawa din ang mga barangay tanod ng traffic management, pagpapatroliya sa loob ng mga paaralan at pagbabantay sa school zones.
Dapat din na magbigay ang mga local chief executives ng kumpletong logistical support sa mga barangay.
Matatandaan na ilang serye ng insidente ng pamamaril ang naitala sa ilang lugar sa bansa sa mga nakalipas na araw kabilang na ang shooting incident sa Nueva Ecija kung saan isang 18 anyos na estudyanteng lalaki ang suspek na binaril ang dating kasintahan na 15 anyos sa Sta. Rosa Integrated School noong Agosto 7 na parehong ikinasawi ng dalawa.
Naganap din ang isa pang shooting incident noong Agosto 4 sa Balabagan Trade School sa Lanao del Sur kung saan isang estudyante ang namaril sa kaniyang guro matapos na bigyan siya ng bagsak na grado sa exam.
Samantala, ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara, tinitignan na ng ahensiya ang mas malalim na dahilan sa likod ng mga insidente ng karahasan sa mga eskwelahan kabilang na ang posibleng pagkakalantad ng mga bata sa social media.