-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Inutusan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año si PNP Chief OIC Lt. Gen. Archie Gamboa na imbestigahan ang mga umano’y nagawang kalabisan ng mga pulis sa kauna-unahang pangangasiwa ng PNP sa isinagawang Translacion ng Poong Nazareno nitong Enero 9.

Sa pagbisita ni Año sa lungsod ng Baguio, sinabi niya na mas bumilis ang takbo ng karosa ngayong taon kumpara sa mga nagdaang Traslacion at naging maayos ito ngunit sinabi niya na nagbigay na siya ng utos kay Gamboa dahil sa mga report ng pagmamalabis ng pulisya kung saan may mga nasaktang deboto.

Sinabi pa ng opisyal na iimbestigahan nila ang naging asal ni PBGen. Nolasco Bathan sa pag-agaw nito ng cellphone ng isang mamahayag sa kasagsagan ng okasyon.

Paliwanag ni Bathan, inakala niyang isa itong banta sa seguridad ng Traslacion kaya nagawa niya ito ngunit ayon kay Año, hindi tama ang ginawa ng heneral kung saan basta-basta na lamang ito nanguha ng telepono ng kung sinu-sino.

Nakausap na ni Año ang mamahayag na si Jun Veneracion ukol sa pangyayari at inabisuhan niya ito na magsampa ng kaso o pag-usapan nalang ang pangyayari habang titignan naman nila kung ano ang mangyayari kay Bathan kung masususpinde ito sa serbisyo o hindi.