Iniutos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na i-activate ang kanilang emergency response teams kasunod ng pagtama ng malakas na magnitude 7.4 na lindol sa Manay, Davao Oriental ngayong Biyernes, Oktubre 10.
Sa isang statement, inabisuhan ng ahensiya ang lahat ng local chief executives sa mga probinsiya na ilikas ang mga residente na malapit sa mga baybayin.
Kabilang na ang mga nasa Eastern Samar, Southern Leyte, Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Davao Oriental.
Iniutos din ng ahensiya ang agarang paglalatag ng mga ruta para sa paglikas ng mga residente, mga palatandaan para sa direksiyon at safe zones para sa mga komunidad na nasa panganib.
Samantala, mabilis namang pinakilos na ang Philippine National Police units sa Davao Oriental at mga karatig na probinsiya para tulungan ang mga apektadong komunidad, panatilihin ang kaligtasan ng publiko at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad.
Patuloy din ang pag-inspeksiyon ng kapulisan sa mga gusali, kalsada, at iba pang mga imprastruktura para sa pinsala at pagtukoy sa mga lugar na nangangailangan ng agarang assistance.