-- Advertisements --

Hindi nawawalan ng pag-asa si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na maaresto si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa kabila pa ng balakid sa extradition.

Pinaniniwalaan kasi na kasalukuyang nasa Portugal si Co kung saan ayon kay Remulla ay walang extradition treaty dito ang Pilipinas kayat dito aniya malamang nagtatago ang dating mambabatas.

Ipinaliwanag din ni Sec. Remulla na maaaring limitahan ng Portgal ang prosekusyon depende sa umano’y nagawang krimen.

Aniya, kung ang krimen ay nagawa bago makakuha ng Portuguese passport, hindi ito makakasuhan, subalit kapag nagawa ang krimen pagkatapos makakuha ng naturang passport, maaaring ma-repatriate si Co.

Giit din ng kalihim na mas lalong lumiit ang mundo ni Co at maaaring sa pamamagitan ng mga negosasyon ay mapagbigyan ng Portuguese government ang Pilipinas.

Nauna ng kinumpirma ni Remulla na nasamsam ng NBI ang mga asset na pinaniniwalaang konektado kay Co kabilang ang kaniyang mga ari-arian sa Forbes Park at sa may Bicol.

Matatandaan, nakaladkad ang pangalan ni Co sa tinawag na pinakamalaking corruption scandal sa ghost flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) gayundin sa isyu ng umano’y budget insertions sa Kamara de Representantes.