-- Advertisements --

Bibigyan umano ng pagkakataon Department of Interior and Local Government (DILG) ang provincial government ng Cebu para itama ang kanilang executive order kaugnay ng optional na pagsusuot ng face masks sa kanilang probinsiya.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, mayroon daw hanggang weekend ang Cebu provincial government para ituwid ang kanilang kontrobersiyal na executive order sa optional na pagsusuot ng face mask.

Kung maalala, naging usap-usapan ang Executive Order No. 16 na inilabas ni Cebu Governor Gwen Garcia at nakasaad dito ang mandatory na pagsusuot ng face masks ay para lamang sa mga closed at air-conditioned spaces sa naturang probinsiya.

Sinabi rin ni Año na pinag-iisipan nila ngayong magsampa ng kaso laban kay Garcia dahil sa kanyang EO.

Una rito, sinabi ni Garcia na hindi nito kinikilala ang resolusyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kaugnay ng mandatory na pagsusuot ng face masks.

Pero sinabi ni Año na hindi raw kinikilala ng national government ang EO na inisyu ni Garcia.

Iginiit ni Año na ang pagsusuot ng face masks sa Cebu ay nananatiling mandatory dahil pa rin sa pangamba ng pagkalat ng COVID-19.