Nauwi sa sagutan ang pag-uusap nina Department of Health Secretary Francisco Duque III at Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Ito’y kasabay ng pagpapaabot ng alkalde sa kalihim ng mga problema na kinakaharap ng lungsod katulad ng kakulangan sa bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), gayundin ang utang ng PhilHealth sa mga ospital at iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Jerry Treñas, inamin nito na nagpanting ang kanyang tainga matapos sinabi ni Duque na marami pa itong inaasikaso kaugnay sa COVID-19 surge sa ibang mga lugar sa bansa.
Ayon kay Trenas, nagpahayag din ito ng hinaing kay Duque hinggil sa hindi pantay na pamamahagi ng COVID vaccine sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Gayunman, pagkatapos nilang nagtaasan ng boses, pinakalma din ito ng kalihim.
Sa ngayon maghihintay na lamang ang lungsod kung kailan darating ang dagdag na mga bakuna na ia-allocate ng national government.
















