Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means, sa pamumuno ni Marikina Rep. Romero Quimbo, ang tax at revenue provisions ng ilang unnumbered substitute bills, kabilang ang mahahalagang panukalang nasa LEDAC priority list.
Inaprubahan ng Komite na walang amyenda ang revenue provisions ng panukalang nagtatatag ng National Framework for Water Resource Management at lumilikha sa Department of Water Resources at Water Regulatory Commission.
Layunin ng panukala, ayon kay Aklan Rep. Jesus Marquez, na tiyakin ang ligtas, maaasahan at abot-kayang suplay ng tubig at ituring ang water security bilang pambansang prayoridad.
Inaprubahan rin, na may kondisyong amendments on style, ang revenue provisions ng panukalang Blue Economy framework.
Ayon kay Antique Rep. Antonio Legarda Jr., palalakasin ng panukala ang maritime governance, science-based planning at blue finance upang pasiglahin ang sustainable marine industries.
Pumasa din sa komite ang revenue provisions ng panukalang nagre-regulate ng treatment technology para sa municipal at hazardous wastes, kabilang ang waste-to-energy facilities, gayundin ang panukalang gawing ganap na Geriatric Health and Research Institute ang Dr. Eva Macaraeg-Macapagal National Center for Geriatric Health.
Binigyang-diin ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. ang pangangailangan ng isang national apex hospital para tugunan ang tumataas na kaso ng age-related diseases.










