Bumuwelta si House Prosecutor Terry Ridon sa naunang patutsada ng defense team ni VP Sara Duterte na umaasa lamang umano ang mga mambabatas na miyembro ng prosecution panel sa mga private lawyer para sa kaso laban sa pangalawang pangulo.
Nag-ugat ang pahayag ng defense team sa natatagalan na pre-trial conference na nagsimula pa noong nakaraang linggo.
Ayon kay Defense member Atty. Mark Vinluan, dumadalo lamang sa umaga ang mga public prosecutor ngunit umaalis din kinalaunan at iniiwan ang trabaho sa mga private prosecutor.
Buwelta ni Ridon, aktibong nakikibahagi ang mga public prosecutor sa conference at sa lahat ng prosesong kailangan upang sa lalong madaling panahon ay matapos ang pre-trial conference at tuluyan nang magsimula ang trial.
Sa katunayan, aniya, tatlong araw na ang pre-trial conference at sa lahat ng mga ito ay naroon siya hanggang dulo.
Nilinaw din ni Ridon na hindi ito isyu ng manpower, kundi problema sa dami ng mga dokumento at pahinang kailangang pirmahan ng parehong defense at House prosecution team.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagmamarka sa mga documentary evidence ng magkabilang panig para sa nakatakdang paglilitis, at nasa 50% na ang natapos mula nang simulan ang naturang conference.
















