Binalaan ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga kababayan laban sa pagdadala ng hilaw at processed animal products sa South Korea dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng kanilang gobyerno.

Kabilang sa mga bawal dalhin sa South Korea ang mga sariwang karne, de lata, itlog, poultry products, milk and dairy products, gayundin ang mga pagkain at supply ng mga alagang hayop.

Batay sa inilabas ng statement ng DFA, layunin ng nasabing ban na maiwasan ang pagkalat ng mga sakit gaya ng African swine fever, foot and mouth disease at mga itinuturing na highly pathogenic avian influenza ng South Korea Contagious Animal Diseases Prevention Act.

Ang sino mang biyaherong mahuling dala-dalang animal products sa airports at seaports na walang kaukulang deklarasyon sa Korean authorities ay pagmumultahin ng hanggang KRW 10,000,000 o nasa P428,571.

Kapag bigong makapagbayad ng multa, pagbabawalan na ang biyaherong makapasok pa sa South Korea o kaya pagkaitan ng visa extension.

“All Filipinos entering South Korea as visitors, workers, or residents are advised to refrain from bringing restricted items in their hand carried or checked-in luggage,” bahagi ng DFA statement. “All hand-carried and checked-in luggage of passengers are subjected to security screening at the airport terminals.”