-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na bahagi ng exclusive economic zone at continental shelf ng bansa ang Ayungin Shoal kayat may karapatan ang ating mga kababayang mangingisda na kunin anuman ang nararapat na sa kanila habang namamalaot sa nasabing katubigan.

Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag kasunod ng iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na insidente ng pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa fishing boat ng mga Pinoy habang nasa lugar noong Enero 9 ilang araw lamang makaraang magtungo sa China si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa state visit mula Enero 3 hanggang 5.

Sa ngayon ayon sa DFA, nag-aantay ang ahensiya ng official reports mula sa military at sa law enforcement agencies ng bansa sa naging aksiyon ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong mangingisda sa may Ayunging Shoal.

Saad pa ng ahensiya na entitled ang Pilipinas na igiit ang ating sovereign rights at hurisdiksiyon sa nasabing lugar nang walang pangingialam mula sa ibang bansa alinsunod sa domestic at intenational law partikular na ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 Hague ruling na patuloy na binabalewala ng China.

-- Advertisement --