-- Advertisements --

Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na tiyakin ang kapakanan at karapatan ng mahigit 100 Pilipinong inaresto dahil umano sa ilegal na pagtatrabaho o paninirahan sa bansa.

Kinumpirma ng DFA ang malawakang pag-aresto matapos sabihin ng Chinese Foreign Ministry na nagsagawa sila ng aksiyon laban sa mahigit 100 Pilipinong pinaghihinalaang ilegal na nagtatrabaho sa China.

Sinabi ng DFA na kinikilala ng Pilipinas ang karapatan ng China na ipatupad ang sarili nitong immigration laws, basta’t sinusunod ang tamang proseso.

Gayunpaman, hiniling ng ahensya sa mga awtoridad ng China na pangalagaan ang kalagayan ng mga Pilipinong nakakulong at agad ipaalam sa Philippine Foreign Service Posts ang kanilang pagkakadetine.

Ayon sa DFA, naaayon ito sa Vienna Convention on Consular Relations at sa 2013 Philippines-China Consular Agreement.

Nakikipag-ugnayan na ang DFA sa Philippine Embassy sa Beijing at mga Philippine Consulate-General sa China upang malaman ang eksaktong bilang ng mga inarestong Pilipino at ang mga dahilan sa likod ng kanilang pagkakakulong.

Sinusuri rin ng ahensya kung nasunod ang legal at consular procedures sa pag-aresto ng mga Pilipino.

Samantala, mariing binatikos ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang ginawang pag-aresto ng China sa mga Pilipino.

Tinawag niya itong isang uri ng “blackmail” at kinondena ang umano’y paggamit sa mga Pilipino bilang paraan upang makialam sa proseso ng pagpapatupad ng batas ng Pilipinas.