Kumpiyansa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na malaking investment pledges ang makukuha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtungo nito sa Germany para sa isang working visit at sa Czech Republic para sa state visit.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA)-Office of European Affairs Assistant Secretary Maria Elena Algabre naka iskedyul ang Pangulo na makipagpulong sa mga business leaders ng dalawang bansa.
Sa nasabing pulong hihikayatin ng Pangulong Ferdinand Marcos ang mga ito na maglagak ng negosyo sa Pilipinas na layong palakasin pa ang kalakalan at investment opportunities.
Sinabi ni Algabre na ilang kumpanya sa Germany at CZech ang nagpahayag ng kanilang interes na mamuhunan sa renewal energy, manufacturing, healthcare, aerospace at innovation.
Hindi naman binanggit ng opisyal kung anu-anong mga kumpanya ang nais na mag invest ng negosyo sa Pilipinas.
Aniya, isang surpresa na lang kung ilang business deals ang lalagdaan ng Pilipinas sa mga banyagang negosyante.
Nakatakdang bumiyahe uli sa Lunes si Pang. Ferdinand Marcos Jr at si First lady Liza Marcos kasama ang ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa Germany at Czech Republic upang paigtingin pa ang bilateral relations sa dalawang bansa.