Dinipensa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang sunud-sunod na pagbiyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa abroad.
Ito’y matapos pinuna ng mga netizens na muling bibiyahe ang Pangulo sa Germany at Czech Republic gayong kababalik lamang nito mula sa kaniyang biyahe sa Melbourne Australia na dumalo sa ASEAN-Australia Summit 2024.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) -Office of European Affairs Assistant Secretary Maria Elena Algabre ang biyahe ng chief executive ay suporta sa development agenda ng Marcos Jr. administration, para sa kapakanan ng mga OFWs at para maging progresibo ang bansa.
Bibiyahe sina Pang. Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos para sa working visit nito sa Berlin batay sa imbitasyon ni German Chancellor Olaf Scholz at sa Prague base imbitasyon din ni Czech Republic President Petr Pavel.
Naniniwala si Algabre na malaking tulong sa ekonomiya at sa seguridad ng bansa ang mga foreign trips ng Pangulo dahil magpapalakas ito sa bilateral ties ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ng DFA official na nais ng Pilipinas itaas ang people-to-people exchanges sa Germany at Czech Republic kung saan nasa 36,000 Filipinos ang nasa Germany habang 7,000 ang nasa Czech Republic.