Aminado ang Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa rin itong impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Zaldy Co, ang dating mambabatas na kasama sa mga kinasuhan dahil sa korapsyong nangyayari sa mga public infrastructure project sa bansa.
Ayon kay DFA Spokesperson Asec. Angelica Escalona, bagaman may mga nauna nang lumabas na impormasyon ukol sa mga bansang posibleng kinaroroonan ng pugante, nananatili aniyang walang kumpirmasyon para sa ahensiya, kung saan talaga naroon si Co.
Una nang naglabas ang International Criminal Police Organization (Interpol) ng blue notice laban kay Co, para matunton ng Philippine government ang paggalaw ng dating mambabatas.
Sa kabila nito, nanindigan si Escalona na walang impormasyon ang DFA ukol sa kasalukuyang lokasyon ng puganteng bilyonaryo.
Samantala, sa isang panayam ay natanong din si Escalona ukol sa umano’y pakikipag-ugnayan ng iba pang mga indibidwal na kasama ni Co na may kinakaharap na kaso ukol sa flood control scandal, sa iba’t-ibang embahada ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Ayon sa opisyal, walang impormasyon ang ahensiya ukol dito.
Maalalang maliban kay Co ay tatlo pa sa kaniyang mga kasamahang akusado ang natunton na nasa ibang bansa.
















