Nasagip na ang isang Pilipinong tripulante sa nawawalang Panamanian-flagged cargo vessel sa karagatang sakop ng Japan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), na-rescue ng mga tauhan ng Japanese Coast Guard ang nasabing Pinoy.
Kinilala naman ng Labor Department ang naturang indibidwal na si Chief Officer Eduardo Sareno.
Sa kasalukuyan, hindi pa rin mahanap ang nalalabing 38 Filipino crew members ng nasabing barko.
Nasa 43 crew members ang kabuuang bilang ng mga sakay ng barko, kung saan 39 ay mga Filipino.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka sa Korpil Ship Management and Manning Corp., ang local manning agency, para alamin ang kondisyon ng mga Filipino seafarer.
Nitong Setyembre 2 nang magpadala ng distress call ang cargo vessel sa bahagi ng Amami Oshima Island sa Kagoshima Prefecture.