-- Advertisements --

Nakatakdang plantsahin ng mga opisyal ng gobyerno ang pormal na rekomendasyon para sa magiging kapalaran ng National Capital Region (NCR) pagkatapos ng buwan ng Mayo.

Sa Mayo 31 na kasi matatapos ang ipinatupad na modified enhanced community quarantine sa Kalakhang Maynila, na itinuturing na epicenter ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Ayon kay Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, nakatakda silang magpulong ulit bukas ng mga alkalde sa Metro Manila para pag-usapan kung papanatilihin o ida-downgrade na ang community quarantine status sa rehiyon.

Ibinunyag din ni Olivarez na mayorya o 14 sa 17 mga alkalde sa NCR ang pabor na ilagay na ang kanilang mga siyudad at bayan sa mas “relaxed” na general community quarantine.

Pero iginiit ng mga mayor, mananatili pa rin ang mga umiiral na health and safety protocols para maiwasan ang pagkalat pa ng nakahahawang virus.

Aminado rin daw sila na mayroong “devastating effect” ang COVID-19 pandemic sa kabuhayan ng mga manggagawa sa NCR.

“Prolonged community quarantine will have severe economic effects which in and of themselves, will impact the lives of people so negatively,” wika ni Olivarez.

Samantala, kung si Metro Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia naman ang tatanungin, kabilang din sa mga nakalatag na opsyon ang “modified” general community quarantine (MGCQ).

Paliwanag ni Garcia, mas “manageable” para sa mga lokal na komunidad kung magpapasya ang national government na ilagay na lamang sa MGCQ ang NCR.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na posibleng ilagay na ang Metro Manila sa GCQ pagsapit ng Hunyo.

Sa kabilang dako, iginiit naman ng Malacañang na nakabatay sa siyensiya ang magiging pasya ng gobyerno sa magiging kapalaran ng Metro Manila pagsapit ng susunod na buwan.

“Siyensiya po ang magiging basehan natin,” ani presidential spokesman Sec. Harry Roque. “Antayin na lang po natin ang magiging desisyon ng IATF, ilang tulog na lang naman po iyan.”