-- Advertisements --

Sigurado umanong bago ang Hunyo 30 ay makakapagpalabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng desisyon kaugnay ng hirit ng ilang transport group na dagdag pasahe.

Sinabi ni LTFRB executive Dir. Maria Kristina Cassion, sisikapin daw ng board na makapagpalabas ng desisyon hanggang sa katapusan ng buwan.

May kahilingan din umano ang mga jeepney operators na maging P2.50 ang kada kilometro.

Una rito, sinabi ni Cassion na pinag-aaralan na ng ng LTFRB ang hirit ng ilang transport group na dagdagan ng P5.00 ang minimum na pasahe sa mga public utility vehicle (PUV) sa bansa.

Isasagawa naman daw ang pagdinig sa petisyon sa Hunyo 28.

Aniya, hinihimay nila nang husto ang nilalaman ng petisyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa petisyon aniya ng 1UTAK, Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Phillippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), nais nilang gawing P14 ang minimum na pasahe mula sa dating P9.00 dahil wala na umano silang kinikita.

Idinahilan din ng mga transport group ang madalang na pasahero na ang karamihan ay sinamantala ang “Libreng Sakay” program ng gobyerno.

Matatandaang inaprubahan ng LTFRB ang P1.00 dagdag-pasahe sa mga PUV sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.