Wala pang itinalagang bagong regional police director ang Philippine National Police (PNP) para sa PRO7 matapos italaga bilang incoming NCRPO chief si BGen. Debold Sinas kapalit ni MGen. Guillermo Eleazar.
Ito ay bahagi ng panibagong reshuffle sa PNP organization kasunod ng retirement nitong Biyernes ni LtGen. Fernando Mendez Jr.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac pansamantalang itinalaga muna bilang acting regional director ng PRO7 ang deputy regional police director for administration na si PCol Ildebrandi Usana bilang kapalit ni Sinas.
Nilinaw naman ni Banac na hindi galing sa office of the president ang panibagong reshuffle sa PNP kundi ito ay desisyon at base sa kapangyarihan ni PNP Chief Oscar Albayalde.
Sinabi ni Banac patuloy na pinag-aaralan at pinagpipilian pa ng mga Senior Officials Placement Board (SOPB) ang mga kandidato na maaring papalit sa binakanteng posisyon ni Sinas.
Lumalabas ang pangalan nina Manila Police District Director BGen. Vicente Danao at BGen. Rhodel Sermonia ng PCRG na mga kandidato para maging susunod na regional police director ng PRO-7.