Sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader Mamamayang Liberal (ML) party-list Leila de Lima na walang bigat sa impeachment proceedings ang mga pahayag ni Vice President Sara Duterte hangga’t hindi ito opisyal na nanunumpa.
Ito ang naging reaksyon ni De Lima matapos igiit ni Sara Duterte na legal ang kanyang mga ari-arian at wala siyang kinaharap na kasong kriminal sa panahon ng kanyang panunungkulan sa gobyerno.
Ayon kay De Lima, ang mga pahayag ng Bise Presidente ay mananatiling “kwento” lamang kung hindi ito ihaharap bilang sworn testimony sa tamang proseso ng impeachment. Giit niya, sa mismong paglilitis dapat ilahad ni Duterte ang kanyang depensa at magpresenta ng ebidensya.
Nauna nang iniulat sa pagdinig ng House Committee on Justice ang mga findings ng Anti-Money Laundering Council na may “covered” at “suspicious” transactions sa mga bank account ni VP Sara at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.
Ito umano ay nangyari sa mga panahong idineklara ng Ikalawang Pangulong sa kanyang SALN na wala siyang cash o pera sa bangko.
Binigyang-diin ni De Lima na hindi sapat ang mga pahayag sa press conference at media upang sagutin ang seryosong alegasyon.
Aniya, dapat direktang tugunan ni Sara Duterte ang mga ebidensya at opisyal na findings na inilabas laban sa kanya.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi na simpleng alegasyon ang kinakaharap ng Bise Presidente ngayon kundi may kalakip nang materyal na ebidensya, kaya’t kinakailangan itong sagutin nang maayos sa tamang forum.
















