Nagkaroon ng bahagyang pagtatalo sa ikaapat na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos kwestiyunin ng depensa ang mga petsang nakasaad sa ilang dokumentong isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa naturang pagdinig, itinuro ng defense team na si Atty. Mark Vinluan ang umano’y hindi pagkakatugma ng mga petsa sa Investigation Data Form na ipinasa ng NBI sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Vinluan, may dokumentong may petsang Pebrero 11, 2025, ngunit lumalabas na natanggap umano ito ng DOJ noong Enero 30, 2025—mas maaga kaysa sa petsang nakasaad sa dokumento.
Tinukoy rin ng depensa ang isa pang dokumento na may pagbabago sa petsa ng na-received na dokumento, na ayon sa kanila ay nangangailangan ng paliwanag.
Gayunpaman, sinabi ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc na wala siyang maibibigay na paliwanag dahil hindi siya ang nag-received ng mga naturang dokumento.
“As I’ve said, your honor, hindi ako ang nag-file, may inutusan po ako,” he said. “You ask the DOJ, sir. Wala akong idea diyan,” saad ni Lotoc .
Kinuwestiyon din ng depensa ang petsa ng isang affidavit na inihanda ng isang NBI agent. Ayon kay Lotoc, ang naturang agent ang mas makapagpapaliwanag nito dahil siya ang gumawa ng affidavit.
Iginiit din ni Lotoc na hindi binago ang nilalaman ng kanilang mga affidavit at tanging mga karagdagang dokumento lamang ang hiniling ng DOJ bilang bahagi ng imbestigasyon.
Samantala, tumutol ang House prosecution sa linya ng pagtatanong ng depensa. Ayon sa prosecution, wala umanong kaugnayan ang mga naunang affidavit sa pangunahing isyung dinidinig ng impeachment court.
Sagot naman ng depensa, mahalagang malinawan ang mga hindi pagkakatugma sa mga dokumento bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency sa kaso.
















