Umalma ang defense team ni Vice President Sara Duterte sa paggamit ng artificial intelligence o AI-generated images ng House prosecution panel para ipakita kung gaano karami ang P125 million na confidential funds na sinasabing ini-withdraw ng isang special disbursing officer ng Office of the Vice President.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, kinuwestiyon nila ang paggamit ng AI dahil maaaring hindi nito tumpak na maipakita ang aktuwal na itsura o dami ng P125 milyon na cash.
Sa ika-16 na araw ng impeachment trial, nagpakita si private prosecutor Amando Ligutan ng AI-generated image ng tinatayang P125 million, kabilang ang 1,000 bundle na tig-P125,000 gamit ang P1,000 denomination.
Nagpakita rin ang prosecution ng AI-generated image ng apat na duffle bag na sinasabing naglalaman ng P125 million.
Ipinaliwanag ni Ligutan na gumamit sila ng teknolohiya dahil wala silang aktuwal na P125 million na cash para ipakita sa paglilitis.
Pero giit ni Poa, kailangang matiyak muna ang accuracy ng mga larawang ipinakita dahil maaaring sobra o kulang ang representasyon ng AI sa aktuwal na dami ng pera.
Samantala, sinabi ng prosecution spokesperson na si Atty. Benjamin Tolosa Jr. na visual representation lamang daw ito upang matulungan ang saksi at korte na makita kung kahawig ng mga bundle ng pera at mga bag na ginamit sa transaksyon ang ipinakitang mga larawan.
Hindi naman daw nila ipinapakitang aktuwal na pera ang pag-gamit ng AI generated images.
Dagdag niya, sinabi umano ng saksi na may pagkakatulad ang ipinakitang visual representation sa perang nakita at mga bag na ginamit sa paglalagay nito.
















