-- Advertisements --

Hinamon ng Akbayan Party-list si Vice President Sara Duterte na personal na humarap sa Senado kung nais nitong mapabilis ang impeachment trial laban sa kaniya.

Ito ay matapos sabihin ni Duterte na nais niyang mapabilis ang paglilitis upang agad na malaman ng publiko kung may katotohanan ang mga ibinibintang sa kaniya.

Sa isang panayam sa Zamboanga City nitong Miyerkules, sinabi ng Bise Presidente na hindi dapat patagalin ang proseso dahil patuloy na nagtatanong ang publiko kung totoo ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Bilang tugon, hinamon ni Akbayan president Rafaela David si Duterte na dumalo mismo sa impeachment trial.

Pinabulaanan din ni David ang pahayag ni Duterte na hindi na kinakailangan ang kaniyang presensya sa paglilitis.

Ayon sa Akbayan, maaaring humarap ang mga abogado ni Duterte para sa mga legal na argumento, ngunit hindi umano dapat tuluyang mawala sa proceedings ang Bise Presidente dahil siya mismo ang subject ng impeachment case.

Samantala, una nang iminungkahi ni House Prosecution Adviser at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na gawing apat na araw ang impeachment trial upang matapos ito bago sumapit ang Pasko.