-- Advertisements --

Walang mga major challenges na na-encounter ang mga paaralan sa pagsisimula ng unang araw ng in-person classes ngayong araw.

Ayon kay Department of Education (DepEd) spokesperson Atty. Michael Poa, naniniwala siya na mapayapa at ligtas ang pagbubukas ng School Year 2022-2023.

Sinabi ni Poa na patuloy silang nakakakuha ng mga ulat mula sa mga regional director ng DepEd upang masubaybayan ang sitwasyon sa mga paaralan sa buong bansa.

Nagbigay din siya ng initial assessment na ang mga mag-aaral ay nakitang nakasuot ng kanilang mga face masks, ang kanilang mga temperatura ay sinusuri, at ilang mga paaralan ay nagsasagawa na ng mga ehersisyo sa umaga.

Batay sa datos ng DepEd nasa 27.6 milyong mag-aaral, mula sa pribado at pampublikong paaralan, ang nag-enroll para sa akademikong taon na ito —isang bahagyang pagkukulang mula sa target ng ahensya na 28.6 milyon.

Pero inaasahang tataas pa ito dahil hanggang nitong Lunes ay maari pa rin namang humabol ang gustong magpa-enroll.

Ang school year na ito ay nagtatakda ng pagpapatupad ng pinagsamang in-person classes at distance learning mula Agosto hanggang Oktubre, habang ang limang araw na face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan ay magsisimula sa Nobyembre 2.

Nauna nang sinabi ni Poa na 24,765 pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa o 46% ang magpapatupad ng in-person classes sa loob ng limang araw habang 29,721 na paaralan sa buong bansa o 51.8% ang magpapatupad ng blended learning modality.