-- Advertisements --

Ipinauubaya na ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan at mga division offices ang pagbuo ng mga programa para sa mga estudyanteng hindi nakapag-enroll ngayong school year sa harap ng coronavirus pandemic.

Sa pinakahuling datos mula sa ahensya, nasa mahigit 2-milyong mga mag-aaral ang mas piniling hindi muna mag-aral ngayong taon.

Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, mayroong alternative learning system ang ahensya para sa mga out-of-school youth upang sila ay makahabol pa rin.

“Titignan natin ‘yung trend na kung may mga magulang na makitang hindi naman pala risky kahit may COVID-19 ay baka ma-monitor natin in the coming weeks kung may mga bumabalik pa,” wika ni San Antonio.

“‘Yung mga detalye ng mga stratehiya, inaasahan natin ‘yung mga napaka capable at creative school officials at mga kasamahang guro,” dagdag nito, “Sila mismo ang magdi-disensyo ng mga interventions at remedial activities.”

Una nang sinabi ng DepEd na inaasahan nilang tataas pa ang enrollment turnout lalo pa’t tatanggap pa sila ng mga late enrollees hanggang Nobyembre 21.

Samantala, sa usapin naman ng posibleng massive dropout bunsod ng distance learning, inihayag ng opisyal na dapat umanong pag-isipan ng mga magulang nang maigi ang kanilang pasya.

“Dapat pag-isipang maigi ng magulang yung option na completely ide-deprive nila ‘yung bata ng pagkakataon na tuloy-tuloy mamulat sa mga tamang kaalaman at kasanayan,” ani San Antonio. “Baka mas malaking disadvantage ‘yun.”