Isinusulong ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang pagtatayo ng permanenteng evacuation centers sa lahat ng anim na distrito ng lungsod para mas maging ligtas ang mga residente tuwing may kalamidad.
Kasama si Councilor Julienne Alyson Rae Medalla, inakda ni Vargas ang Proposed Ordinance No. 23CC-229, o ang Quezon City Permanent Evacuation Center Ordinance.
Layunin nitong magtayo ng mga climate-resilient evacuation center na kayang tumagal sa malalakas na bagyo at lindol.
Bawat evacuation center ay magkakaroon ng family sleeping quarters, magkakahiwalay na palikuran, community kitchen, laundry area at lactation spaces.
Magkakaroon din ng medical clinic, ramps, Braille signage at iba pang pasilidad para sa persons with disabilities at senior citizens.
Makikipagtulungan ang Quezon City government sa UP-NOAH Center sa pagpili ng mga lugar na pagtatayuan ng evacuation centers.
Layunin nitong matiyak na nasa labas ang mga ito ng mga lugar na mataas ang panganib sa baha, landslide at iba pang hazard, at malapit sa mahahalagang pasilidad ng baranagay.
Samantala, pinuri rin ni Vargas ang mga flood-control project ng Quezon City government, kabilang ang mga detention basin sa Quezon Memorial Circle at G. Araneta, pati na ang mga covered court na ginagamit bilang detention facilities sa Barangay Tatalon at Palmera Homes sa Barangay Sta. Monica.
May tatlo pang retention projects na ginagawa sa Bahay Toro, Sauyo at Greater Lagro na inaasahang makatutulong sa pagbawas ng pagbaha sa lungsod.










