Lumubo na sa walong libong silid-aralan ang natukoy na napinsala dahil sa mga serye ng pag-ulang dulot ng bagyong Maymay, Luis, at ng hanging habagat.
Batay sa updated report na inilabas ng Department of Education – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DepEd-DRRMOC), mula ito sa 1,439 paaralan sa buong Pilipinas.
Marami sa mga napinsala ay inabot ng tubig-baha na umapaw mula sa mga ilog at mga sapa.
Ayon pa sa DRRMOC, kabuuang 5,039 silid-aralan ang nakitaan ng bahagyang pinsala.
Kabuuang 1,804 ang nakapagrehistro ng matinding pinsala, habang 1,780 naman ang tuluyan nang nawasak.
Naitala ang pinakamarami sa Central Luzon na sinundan ng Ilocos, Cordillera, CALABARZON, Eastern Visayas, MIMAROPA, NCR, Cagayan Valley, Negros Island Region, at Western Visayas.
Sa kabilang banda, daan-daang silid-aralan din ang ginagamit ngayon bilang mga evacuation center.
Ayon pa rin sa DepEd, 917 silid-aralan mula sa 244 paaralan naman ang pansamantalang nagsisilbi bilang tirahan ng libu-libong mga Pilipinong inilikas dahil sa malawakang pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.















