Kumpirmado ng Philippine Air Force (PAF) ang pagbagsak ng dalawa sa kanilang SF-260 basic trainer aircraft matapos magsalpukan sa ere habang nagsasagawa ng training flight sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas bandang alas-3:51 ng hapon.
Batay sa mga paunang ulat ng lokal na otoridad, nasawi ang apat na piloto na nakasakay sa dalawang eroplano, bagama’t nagpapatuloy pa ang beripikasyon at wala pang opisyal na pahayag ang PAF kaugnay ng kanilang kalagayan.
Agad namang nag-deploy ng response team ang PAF upang i-secure ang lugar ng aksidente, simulan ang paunang imbestigasyon, at tiyakin ang kaligtasan ng mga tauhan pati na ng mga kalapit na residente.
Ang mga sangkot na aircraft ay pinaniniwalaang mga huling bersyon ng SF-260FH na nabili sa ilalim ng administrasyong Arroyo at naideliber noong simula ng administrasyong Aquino.
Nananatiling nakatutok ang pamunuan ng PAF sa masusing imbestigasyon habang binibigyang-prayoridad ang seguridad at kapakanan ng lahat ng naapektuhan ng tragic incident.















