-- Advertisements --

Ibinunyag ng Office of the Ombudsman na mayroon itong hawak na ilan pang mga testigo laban kay former House of Representatives Speaker Martin Romualdez. 

Ayon sa opisyal na pahayag ng tanodbayan, meron dalawampu’t walong testigo ang handang magturo at magsiwalat sa pananagutan ng dating house speaker. 

Kaya anila raw ng mga ito na makapagbigay ng direkta at materyal na kaalaman sa mga transaksyong sinisiyasat sa kaso ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez. 

Kung saan isinasailalim na ang higit dalawampung testigo sa legal na proseso ng Office of the Ombudsman sa kasalukuyan. 

Ibinahagi din sa opisyal na pahayag ng tanodbayan na ang mga testigong nababanggit ay mga taong nakauniporme at aktibo pa rin sa serbisyo. 

Kasunod ang pahayag matapos mapaulat ang pagbawi ng dating sundalong si Orly Guteza sa kanyang naunang pahayag na pag-deliver ng male-maletang pera sa bahay ni dating House Speaker Romualdez. 

Giit naman ng Ombudsman na hindi na bago ang recantation sa mga high-profile case at tinawag na classic pressure tactic lamang ang hakbang. 

Kaya’t ayon pa sa tanodbayan, hindi lamang umiikot sa iisa o iilang witnesses lamang ang buong imbestigasyon at makatitiyak na hindi hihinto ang paghahanap sa katotohanan. 

Samantala, kinumpirma naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang paghahain ng dating house speaker ng ‘counter-affidavit’ nitong August 7, 2026 sa tanodbayan. 

Nahaharap kasi sa mga reklamong plunder, graft, bribery, at money laundering ang mambabatas kaugnay sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects.

Kaugnay dito’y inihayag ng kampo ni former House Speaker Romualdez na maghahain sila ng ‘supplemental counter-affidavit’ sa Ombudsman. 

Kalakip daw sa dokumento ang mga sinumpaang salaysay ng 25-iba pang mga dating driver, at bodyguards ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kasama ang napaulat na ‘recantation’ ni Orly Guteza.