-- Advertisements --

Maaaring hindi na gamitin ng House prosecution panel ang buong 31 araw na inilaan para sa presentasyon ng ebidensya sa Article I ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa judicial notice ng Senate impeachment court sa mga opisyal na rekord ng Kamara.

Ayon kay private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, maaaring mabawasan ang mga dokumento at testigong kailangang iharap dahil kinilala na ng impeachment court ang ilang House records.

Dahil dito, hindi na rin kinailangang tumestigo ang House archives official na si Marivic Pareja tungkol sa custody at transmittal ng mga rekord.

Sinabi ni Kapunan na maaari ring mabawasan ang bilang ng mga testigo dahil sa mga naunang testimonya, kabilang ang dating OVP special disbursing officer na si Gina Acosta.

Si Acosta ay tumestigo na inatasan umano siya ni Duterte na i-turn over ang P125 milyon confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica.

Saklaw ng Article I ang alegadong maling paggamit, misappropriation at iregular na liquidation ng P612.5 milyon confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.