-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na napinsala ang 2,424 silid-aralan bunsod ng pananalasa ng bagyong Maymay at hanging habagat.

Batay sa datos ng Disaster Risk Reduction and Management Service ng DepEd, nasa 403 ang nawasak, 505 ang matinding napinsala habang 1,516 ang nagtamo ng minor damage.

Naitala ang mga napinsalang silid-aralan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at Central Luzon.

Maliban dito, iniulat din ng ahensiya na mayroong mga kagamitang napinsala tulad ng mga upuan, information and communications technology equipment units at learning materials, na nakaapekto sa klase sa mga apektadong lugar.

Samantala, ayon sa DepEd DRRMS, mangangailangan ng mahigit P74 milyong pondo para sa pagkumpuni ng kabuuang 1,516 silid-aralan na nagtamo ng bahagyang pinsala.

Bilang tugon, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ilulunsad ng DepEd kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtipon sa 2026 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers-Brigada Eskwela sa immediate disaster cleanup mechanism para sa pagsasaayos ng mga naapektuhang silid-aralan.

Una rito, sinuspendi ngayong Lunes ang mga klase sa maraming lugar sa bansa bunsod pa rin ng pabugso-bugso at mabibigat na pag-ulan na nagdulot ng mga pagbaha.