-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro at iba pang personnel na panatilihin ang pagiging-propesyonal, at tamang asal sa paggamit ng social media.

Sa memorandum na inilabas ng ahensya noong Agosto 11, sinabi ng DepEd na hindi purkit naka-private ang isang social media account ng isang guro ay hindi na saklaw ng mga pamantayang propesyonal at etikal ng ahensya.

Partikular na binigyang-diin ang mga post na may kaugnayan sa mga mag-aaral, classroom activities, school premises, at opisyal na tungkulin ng mga guro.

Ayon sa DepEd, nakatanggap ito ng mga ulat tungkol sa social media posts ng ilang guro at school personnel na hindi naaayon sa pamantayan ng DepEd.

Pinag-iingat din ang mga guro sa pagpo-post ng content na may kinalaman sa kanilang mga estudyante, dahil maaari aniya silang maka-impluwensiya.

Pinaalalahanan din ang mga empleyado ng DepEd na huwag mag-post ng mga personal na pag-atake laban sa kanilang mga kasamahan o makasira sa reputasyon ng ahensya.

Dapat ding iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon online.

Bagama’t kinikilala ng DepEd ang paggamit ng social media para sa talakayan tungkol sa mga napapanahong isyu, hindi umano ito dapat gamitin sa mga mag-aaral maski sa kanilang mga aktibidad para sa paggawa ng content na maaring magpakita ng pangungutya, harassment, at public scrutiny.