Pinag-aaralan ngayon ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na gawing mandatory ang pagsasagawa ng bag inspections sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad ng mga mag-aaral.
Ito ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng ilan pang iba.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Roger Masapol na bago ang naturang insidente ay isinasagawa lamang ang bag inspections sa random na paraan.
“Before kasi, bago ng Tacloban incident, random lang ang bag inspection sa mga schools natin. Ngayon tinitingnan namin baka gagawin na siyang mandatory,” ani Masapol.
Ayon pa sa opisyal, kabilang sa mga isinasaalang-alang ng kagawaran ang laki ng populasyon ng bawat paaralan bago ipatupad ang naturang polisiya.
Ipinaliwanag niyang maaaring maging malaking hamon ang mandatory bag inspections sa mga paaralang may libo-libong estudyante.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang Parañaque National High School na may humigit-kumulang 14,000 estudyante.
“…medyo nightmare ang bag inspection. Kaya tinitingnan namin ang good combination ng security measures natin,” dagdag niya.
Bukod sa mandatory bag inspections, pinag-aaralan din ng DepEd ang iba pang hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan, kabilang ang pagdaragdag ng entry at exit lanes sa mga gate upang mapabilis ang pagpasok ng mga estudyante at ang proseso ng inspeksiyon.















