-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na magiging flexible ang pagpapasa ng school requirements ng mga estudyanteng naapektuhan ng nagdaang mga bagyo.

Sinabi ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, inatasan na ang mga opisyal ng kagawaran na magpatupad ng flexible measures pagdating sa academic requirements para sa mga mag-aaral.

Paglalahad pa ng opisyal, maaaring gamitin ng mga eskwelahan sa mga lugar na nagdeklara ng class suspension noong kasagsagan ng bagyo at pagbaha ang In-Service Training (INSET) na nakatakda sa susunod na linggo para sa make up classes.

Magkakaroon din aniya ng localized adjustments sa school calendar na pagdedesisyunan ng mga concerned DepEd units.

Batay sa Education Cluster Report ng DepEd para sa Super Typhoon “Rolly”, nananatiling suspendido ang pasok sa walong dibisyon sa Bicol Region kabilang na ang Camarines Norte, Camarines Sur, Iriga City, Catanduanes, Masbate, Masbate City, Sorsogon, ar Sorsogon City.

Samantala, sa Education Cluster Report naman para sa Bagyong “Ulysses”, umiiral pa rin ang class suspension sa siyam na dibisyon kung saan isa sa Metro Manila at walo sa Region 5.